black and white ang kanyang mga panaginip...

Wednesday, September 12, 2007

La Rosa Negra

Tumatakbo ang oras ngunit mananatili ito
sa segundo ng pagkakataon
(namuong pawis, libag na pumapalag
asan ang dahilan ng mga binalak mo?)
Mabilis ang bawat galaw, nakikipaglaro sa watak-watak
na mga ilaw ang nakakahilong usok na bumubuga sa bawat sulok.
Ang pabago-bagong pintig ng pulso
ikinukubli ko sa bawat pagyukod, matiim na nakatuon
sa makintab mong sapatos, ikaw na muna ang umindak
ako muna ang maniniwala.

Hindi kita mahal. Ikaw naman ang maniwala.
(paano ko sasabihin ito ng walang ngisi sa iyong mukha?)
Sa kahubdan ng mga halik, nasusuya ako sa laway at anyo
nitong nagsusumiksik sa sining ng sintahin.
Oo mabubuo nito ang mga hugis na aking naisin:
tagak,asawa,bakanglalaki,wasak na puso,gabi.
Ngunit aanhin ko ang mga ito?
Iuuwi, papangalanan, mangungusap, pagmamasdan, aariin.
Ah, hindi. Paano kung saktan nila ako? Paano kung sa akin
paghimbing itanim nila sa aking dibdib ang mahinang puso. Hindi
maaari, maiiwanan ko sila bago pa mangyari iyon—
dahil hindi ako maramot madali lang akong makalimot.

Kanina
hinayaan kitang sumilip sa mga siwang
ngunit pilit mong binagtas ang eskinita
patungo sa puwang ng patriarkiya.
Magsasayaw tayo: iindak sa ritmo ng musika; kalabisan
isasagad hanggang buntong-hininga; mabilis ka
(nahuhuli ka lang) sinasakop (hindi) nagpapasakop;
tapos na ang palabas (salamat)—walang anuman.
Mahusay ang mga daliri mo sa pag-eskultura sa luwad kong dibdib
marahan ang sakit na dulot nito, sa pagbabagong hulma
hindi ako magdaramdam kahit gawin mo itong tatsulok,
bilog o parisukat o kahit lagyan mo pa ito ng pakpak,
kahit hindi na ito bumalik sa buto’t balat kong katawan.
Wala akong sasabihin.
Basta walang bahid ang suot kong damit;
pula at bulaklakin bestida—mangingibig ‘ika nga.

Hindi kita mahal maniwala ka.
Sinasabi ko ito ng walang pagsaway at pagmamayabang.
Sabi ko sa iyo hindi dito ang ating tagpuan. (Pansinin
mo ang paligid hindi ako nabubuhay tulad nila.)
Hindi ako handa sa dala mong trahedya, walang tunog
akong naririnig dito, hindi ako ang tudla ng pagkasi nito.
Mahabang panahon na ang segundo sa makitid mong utak.
Huwag mong ka-inggitan ang kasiguraduhan ko,
dahil pareho lang tayo kumakapa sa makapal na ilaw ng La Rosa Negra
nasisilaw, nabibighani sa kanyang karikitan.
Pagkatapos ng musika, hihintayin ko ang indayog mo
sa kabilang banda at habang nabubulok ang gabi
kakamustahin ko naman ang sarili sa isang tabi
kung kaya ko bang tangkilikin ang muntik ko ng
maamin.

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]



<< Home