Sa Iyong Paghihintay
Alam mo bang kinukutya
ako ng iyong
pagbuntong-hininga?
Oo, ikaw.
Kilala kita nang lubusan ng gabing iyon. Ah, siguro?
Ewan. Kubli kasi ng lamig ang buo mong pagkatao.
Ramdam ko iyon sa iyong mga mata, kahit pasò
ako sa bawat likidong tumuló. Sa bawat pag-gatlá ng katawan
mas ramdam ko ang buto kaysa puso, walang pagkibó.
Tanging ngipin ng buwan ang sumugat
sa sulok ng bawat silid.
Sa pagsilip nito, unti-unting bumaon
ang talim ng dilim.
Napahinuhod ako sa lamlám
na pagpapanggap ng init.
Ang pagsuko ng gabi, sa luwad
na hubog.
Hindi na kita natagpuan.
Alam mo bang minsan
na rin kitang kinutya?
Hangal ka kasi. Pilit mong tinuruan ang sariling
musika ang kalansing ng nakaraan. Hibang.
Habang nilason nang indayog, bulok ang ulirat
sa magdamagang pagbakasakali.
(Sapagkat pinahanga mo ako, hindi tulad mo ipinaghele
ng kawalang-katiyakan ang natirang alinlangan.)
Hindi kasalanan ang epikong paglimot, kung marunong
kang magtampisaw sa mga sirkumstansiya.
Hindi ka na paslit para maging inosente.
Kung mangahas ka lang na ipusta
ang pagiging konkreto nito.
Marahil magkakaroon ng saysáy
ang tensiyon, ang mapang-uyam’ng
singaw ng guni-guni sa muling pagkibo ng
katawang minsan’y nangamba.
Labels: sitting amok 13

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home