Sa pagitan ng mga panaginip
| Sa hapunan, bago sumigaw ang sinaing. Huhusgahan ang paghuhugas kamay. Wala akong balak suyuin ang iyong sikmura. Ang patunay lang ng hindi pagkaraniwan; na lahat possible, lahat makikinabang. Mamaya ipaghehele ako ng usok ng iyong sigarilyo.
Aalingawngaw sa apat ng sulok ng silid ang kapagalán. Sa pagyakap mo, tutusok ang lamig ng pader na aking yayapusin (hanggang sa pag-idlip sa lalamunan ng kahulihan) Babalikwas ang kamalayan sa pagtingala sa totoong nakikita. Doon sa kisame na mapanlinlang hindi ilaw ang sisilaw kundi ngisi ng buwan na nangungutya. Pinagtatawanan ka nito, alam mo ba? Madalas mo kasing gisingin ang gabi sa iyong pananaghóy.
Nakakaumay ang paghihintay mo sa pagtatalop ng pagmamahal. Alamin mo kung ilang beses ka nang nilatay ni Lakandiwa. Di-iiral ang pagkadi-matatalo, hitsura mo pa rin ang talunan at walang laban. Sa nakasanayan mong pagsusumamo nalimutan mo ang dikta ng riyalidad—na pahihintulutan lamang kita. Pilitin ko mang ilantad ang sarili sa harap ng iyong pagnanais, maging lawa man ang inakala mong sapat sa pagkauhaw. Sigurado ka? ni hindi nga ako takot sa paratang ng luha. Sa paggambala mo sa aking gunita (wala ka rin mahihita). Walang dapat tanawin kundi takipsilim. Nilinlang ka lamang ng malambing na paligid ang totoo’y mga bituing itong nag-aatubiling gumising. Dahil hindi tulad ng bituin para hintayin mahulog at tatagos lamang sa bawat pagtingin. Aanhin ko ang paglalarawan kung nais ko ang may mahawakan. Mapalad ka’t napulsuhan kong magpaalam, sa paraan kong inilahad wala kang pakialam, dahil aalis ang mas nagmamahal. Kung sa inakala mong marahas ako, hindi ka nagkamali. Dahil hindi ang pagdating mo ang hinintay ko, hindi ang katiyakan ang ninais ko, tanging ang tensiyon lamang ang nagpahayag sa gabi Ngunit sinong sisisihin sa di-nakikitang kalaban? Sayang handa sana akong maniwala. |
Labels: sitting amok 15

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home