Sa Ganitong Paraan
Natutunan ang lahat.
Ilang oras bago ang bukang liwayway,
kapwa na nililitis ang hindi natin pag-imik.
Walang hangin na makakapasok sa sagrado nating espayo.
Ramdam ko ang pagdaloy ng dugo sa iyong puso--
tuloy-tuloy, walang putol, iisa ang direksiyon.
Iba ang mundo sa labas ng silid. Kung lalabas ako dito
hindi ko alam kung sino at ano ang tutukuyin ko.
Siguro nga kasing tibay ng pangako ang balikat na pinaubaya mo.
Subalit takot akong hawakan ang sa tingin ko'y posibilidad lamang.
Kanina, pinilit kong takasan ang humahangos mong sukdulan
ngunit nanaig pa rin ang isip ko na ika'y pagbigyan.
Sa likod ng mga hikbi, binubuo ng silid ang aking anyo.
Mas matapang ito kaysa sa inasahan.
Sa aking paghangos wala akong tinatakbuhan.
Nais ko lamang takpan ang bilis ng iyong paghinto at
dahil pinag-aaralan ang bawat dahilan hahayaan kitang manatili
sa loob ng tensiyon at sirkumstanya ngayon magdamag.
Ikaw na matalas magsalita ng pag-ibig, ikaw na nabubulok
ang prinsipyo sa libog ng pagpapapanggap--
hindi pa marahil sapat ang husay kong magmahal.
Sa iyong paghimbing kailangan kong umalis ng tahimik,
mag-ingat na hindi ka magising. Hindi ko pala kayang silipin
ang iyong pagpikit, nasasaktan kasi ako sa kawalang-pakialam nito.
Mabigat ang bawat yapak, sa bawat metro lumiliit ang pag-asa kong
maniwala. Mistulang naglalakbay ako sa kawalan, nakakapagod, nakakauhaw.
Maliit lang ang silid na ito, pero parang buong buhay ko nagkasya dito.
Noon akala ko mahirap maghintay sa hindi naman dumadating, o
lumisan at magpaalam sa minamahal--
Mas mahirap pa lang manatili sa mahabang gabi,
na puno ng bakit at pagbabakasakali.
Labels: sitting amok 16

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home