Ang Payaso
Babala sa musmos: Huwag maramot sa lobo baka liparin ka nito!
Mula pagkabata ko’y kumakaway na ang mga kulay
sa kakarampot na kita. Kitang-kita ang mga dakilang
taga-hita nagtatalsikan ang hagikhik sa dibdib ng langit.
Mapupunan na naman ng mangmang ang kakulanganan
sa kanilang tahanan.
Tatakbo na ang makinis na ritmo:
Si Itay ang simbolismo ako naman ang sisirko.
(pantayan) para mayroon lamang kahinatnan
(patunayan) pansamantala lamang ang kahibangan.
Hindi kami mandudula
para bigyang direksiyon ang paligid, hindi
rin namin nais saluhin ang panganib ng pag-i-eksperimento
dahil hindi kami ang tagapag-salba ng sining.
Pero kaya namin kayong mahalin
(ilan lamang yan sa mga palabas namin).
Takot si Inay mapagod
huwag daw tanggalin ang ngiting nakaukit.
Baka sa akin daw pagpikit nakawin ang pusong iniipit,
sabay pitik sa aking singit.
Sa paglipas ng panahon kumupas na ang paraiso ng
pagkukunwari: Si Inay na naniniwala’t nagmamasid
nagmamaktol ngayon sa amoy ng lupang nakikipagtalik.
Ang itay na nagapi sa labanan ng konkretong hari
marahil binabaybay na niya ang dagat patungo sa bahaghari.
Sa pagpasa sa akin ng doble-karang damdamin
ang huling habilin—malikhain kong pagyayamanin.
Ngunit ano itong galit na makulit, nagbabadyang mapunit?
Isang sutil na paslit pinipilit na ako ay tukuyin: isang hampas sa
mukha parusa sa hindi niya pagtawa. Sa hardin ng madla
ang saktan ako ang naging tema (patawad Ina hindi ko na kaya).
Wala ng kunehong lalabas sa kahon ng mahika
o anumang kulay na hahapyaw sa di-tiyak na lohika.
Hubad na ang katawang kong manipis ang butong
pumipintig sapilitan na sa pag-idlip.
“Pinangako mo Itay sa aking paghiyaw kayo ay gagabay!
Kinamumuhian ko ang ngiti mo sa bukang-liwayway!
Anong kasalanan ko sa di-pagpapakitang anyo Inay?
Sa pagtatago sa matingkad na kulay nais ko lang malurá
ang hapdi na kumakampay!”
Labels: sitting amok 15

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home