ALON
Natinag ako sa mapagpalayaw mong yakap.
Ngunit nauhaw lamang sa pabuya mong alat;
mainit ang panaghóy na pumipitik
sa bawat taludtod ng kalamnan, kinalawang
lamang ang bawat metro ng aking buto.
Kulang ang patubig mo para maging saplot, nahirinan
lamang sa pagtangka mong pag-ulayaw.
Sino ka para angkinin ang dagat?
Iyo na rin ba ang kapatagan?
(mababa ka kumpara sa kalawakan ngunit
dayuhan sa iyo ang pagtingala).
Nais mo lamang na ikaw ang pinagmamasdan.
Kalokohan. Isang siwang ka lang naman
para Makita ang hiyas ng karagatan.
Sa pag-aakala mong saliw ang alimuom
ng paglilimas magdadaop ang alimpuyo’t
isasakdal ka sa isang paglalantad.
Ang hangin na kasangkot mo sa paglikha
Ng obra ng pagwasak. Balakid ang kamangmangan
Nang mapusok mong tilamsík. Nabagot lamang
sa bawat kiliti sa aking paghimbing.
Nalinlang ka lang kung sa pag-aakala mong iyon
ay pagdurusa. Hindi ka pa sapat.
Inakala mong maestro ka sa pag-ruwerda,
ang alimbukáy na nagtalop, hindi ba’t
namilog ito sa muli mong pagtangka.
Pag-aari mo ba pati ang paglikha? Pinatatawa mo ako.
Eskultor ka lamang ng luwad na lamad,
Taga-lika ng melodiya ng kapusukan.
Sa rurok ng pagtanggap, tutubusin mo
at ibabaon sa puntod na di-totoo.
Ako lamang ang totoo.
Taga-litis ako hindi taga-masid lamang.
Sa hindi mo pagtagumpay na matakpan
nang namamaga mong agos ang basag
na takipsilim. Pagmasdan mo ang walang
ingay kong pagluha sa di-paglingon sa bubog
na buhangin. Sa bawat patak nitong bumubulwak
ng burak, ito ay mamamalagi. Sa unti-unti
mong pagtiklop patuloy ang pagragasa ng
sarili nitong unos. Ikaw na mistulang batang nagtampisaw
at nahulog sa aroma ng sarili mong kawalan.
Pagtakas ang tugon sa muli mong pagkaway.
Ikaw na walang malay na inusig ko ang iyong galaw.
Sa pag-usisa ko naman sa mapanutyang ulan,
magbabaybay ka na lamang sa aking balintataw.
Oo hindi kita kayang hawakan, hindi kita kayang basagin.
Dahil kahit kailan hindi ka naman naging buo.
Labels: sitting amok 14

0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home