black and white ang kanyang mga panaginip...

Thursday, June 17, 2010

Happy Ending(s)?

Marahil totoo. Ano pa ba ang dapat mong malaman?

Sabagay iba't ibang paraan pala ang ending. Sa dulo maaari itong maging trahedya, malungkot, malungot na trahedya, malungkot na masaya o kaya simpleng bibitinin ka lang. Pero mas matapang ka pa kaysa sa binubungkal na lupa para gawin patas ang lahat ng ito. Aanhin mo ang nakatakda kung mapupuwing ka lang sa matagal ng panis na makata?

Isantabi muna natin ang huli kong tanong. Kailangan nating mag-ingat sa hindi dumadating na katahimikan, tumahimik para hindi magising ang natutulog na walang pakialam. Silang tumatanggi sa patas na laban, asahan mong pinakamalayo ang mga mata nila sa awa. Ito marahil ang kagandahan sa karaniwan, hindi mo na kailangan lumayo para magmahal. Sabay sabay natitisod, naghihintay at umiiyak dahil napaka-agresibo ng kawalan. May kanya kanya mga paroles, kanya kanyang kontribusyon.

May sagot ka na sa tanong ko kanina. Kung wala pa, sana makatulong ang pagtigil at kung minsan maniwalang lang sa kung ano lang, parang wala lang, simple lang. Hindi katulad ng tula at kwento mahirap irebisa ang nasabi, nagawa o napatay. May masasaktan ng hindi sinasadya may susuko at maglalaho. Eh ano naman! Don tayo natututo.

Gusto kong isipin na mareresolusyunan ng lohika at teorya ang piling mga bagay. Pero hindi ko sila maintindihan o baka ilag lang ako sa kanila dahil ginagawa nila akong tanga ng hindi sinasadaya. Balik tayo sa'yo, kung magugunaw na ang mundo ikukuwento ko ang huling kwentong pambatang alam ko. Tungkol siya sa dalawang batang magkaibigan, tinanong nong isa kung masakit ba? Nagtaka yung isang bata kung anong ibig sabihin ng kaibigan, tinitigan niya ito at sabay kagat sa tenga ng bata at sinabing“alin yung ganito?” . Hindi niya inaasahan ang naging reaksiyon ng kaibigan dahil nagalit ito at tumalikod sa kanya papaalis. Hinabol niya ito. Tinanong kung bakit. “hindi naman kasi iyon e” padabog na sagot ng unang bata. “alin ba kasi?” pilit na tanong ng kanyang kaibigan. Humarap ang unang bata, “Eto.....” . Sabay kagat sa tenga ng kaibigan hanggang sa sumirit ang napakapulang dugo nito. At iyon ang huli niyang pakiramdan.

Wednesday, September 12, 2007

Tugma

hindi radikal ang puso sa panulat ng makata!

walang kasing kislap ang paglapit ng nakarinig

tsk! eh, bakit nasasaktan ako

sa talinghaga?

pakialam ko!


nagpakiramdaman sila.

tapos nang tikman ko yung sugat

lasang semilya tapos maalat-alat tapos wala…

(sumuka muna siya bago muling magsalita).

pabago-bago.

(napangiti. sabay kain sa dila ng umamin)

kanina,

(buti nadala niya ang kanyang pakpák)

" tang-ina! "

nagkalat ang letra sa lupa

may nagbulong (mahal kita) (ata)


hindi na niya maalala.



Labels:

Sa Ganitong Paraan

Natutunan ang lahat.


Ilang oras bago ang bukang liwayway,

kapwa na nililitis ang hindi natin pag-imik.


Walang hangin na makakapasok sa sagrado nating espayo.

Ramdam ko ang pagdaloy ng dugo sa iyong puso--

tuloy-tuloy, walang putol, iisa ang direksiyon.

Iba ang mundo sa labas ng silid. Kung lalabas ako dito

hindi ko alam kung sino at ano ang tutukuyin ko.


Siguro nga kasing tibay ng pangako ang balikat na pinaubaya mo.

Subalit takot akong hawakan ang sa tingin ko'y posibilidad lamang.

Kanina, pinilit kong takasan ang humahangos mong sukdulan

ngunit nanaig pa rin ang isip ko na ika'y pagbigyan.

Sa likod ng mga hikbi, binubuo ng silid ang aking anyo.

Mas matapang ito kaysa sa inasahan.


Sa aking paghangos wala akong tinatakbuhan.

Nais ko lamang takpan ang bilis ng iyong paghinto at

dahil pinag-aaralan ang bawat dahilan hahayaan kitang manatili

sa loob ng tensiyon at sirkumstanya ngayon magdamag.

Ikaw na matalas magsalita ng pag-ibig, ikaw na nabubulok

ang prinsipyo sa libog ng pagpapapanggap--

hindi pa marahil sapat ang husay kong magmahal.


Sa iyong paghimbing kailangan kong umalis ng tahimik,

mag-ingat na hindi ka magising. Hindi ko pala kayang silipin

ang iyong pagpikit, nasasaktan kasi ako sa kawalang-pakialam nito.

Mabigat ang bawat yapak, sa bawat metro lumiliit ang pag-asa kong

maniwala. Mistulang naglalakbay ako sa kawalan, nakakapagod, nakakauhaw.

Maliit lang ang silid na ito, pero parang buong buhay ko nagkasya dito.

Noon akala ko mahirap maghintay sa hindi naman dumadating, o

lumisan at magpaalam sa minamahal--

Mas mahirap pa lang manatili sa mahabang gabi,

na puno ng bakit at pagbabakasakali.

Labels:

pangamba

narinig ko

ang damák

nang bitawan mo



ang kamay ko napunit



ang gapos ng huwad

na buwan hindi na tayo

muling susundan pa

umalingasaw

ang lansa ng tuyot na

hamog sumisiksik ang hasang

ng lamig sanhi ng malansang

dilim na nilamon ng katahimikan

lamig na naging dahilan

ng muling pagsayaw

ng asidong

tinutunaw



ang bawat salita



paralisado sa daluyong ng bawat

hakbang langó sa bawat yapak

at alingawngaw ng pagbagsak ng mga



dahon

mula sa punong nagbunga

ng pagnanasa



nakalimutan ko tagtuyot na pala

hndi ko kasi inalintana

ang rupok ng sanga

napilayan tuloy ako



naisip ko ang sarili

sa harap ng sakim na salamin

habang unti-unting nilalamon

ng lamat ang repleksyon

ng maalinsangang riyalidad

parang sumisigaw





ang durog na libog sa malamlam na kahibangan



hindi sana

nagkaganito

kung hindi mo

pinagdamot

ang katagang



paalam.

Labels:

Sa Iyong Paghihintay

Alam mo bang kinukutya

ako ng iyong

pagbuntong-hininga?

Oo, ikaw.


Kilala kita nang lubusan ng gabing iyon. Ah, siguro?

Ewan. Kubli kasi ng lamig ang buo mong pagkatao.

Ramdam ko iyon sa iyong mga mata, kahit pasò

ako sa bawat likidong tumuló. Sa bawat pag-gatlá ng katawan

mas ramdam ko ang buto kaysa puso, walang pagkibó.


Tanging ngipin ng buwan ang sumugat

sa sulok ng bawat silid.

Sa pagsilip nito, unti-unting bumaon

ang talim ng dilim.

Napahinuhod ako sa lamlám

na pagpapanggap ng init.

Ang pagsuko ng gabi, sa luwad

na hubog.

Hindi na kita natagpuan.


Alam mo bang minsan

na rin kitang kinutya?

Hangal ka kasi. Pilit mong tinuruan ang sariling

musika ang kalansing ng nakaraan. Hibang.

Habang nilason nang indayog, bulok ang ulirat

sa magdamagang pagbakasakali.

(Sapagkat pinahanga mo ako, hindi tulad mo ipinaghele

ng kawalang-katiyakan ang natirang alinlangan.)

Hindi kasalanan ang epikong paglimot, kung marunong

kang magtampisaw sa mga sirkumstansiya.


Hindi ka na paslit para maging inosente.

Kung mangahas ka lang na ipusta

ang pagiging konkreto nito.

Marahil magkakaroon ng saysáy

ang tensiyon, ang mapang-uyam’ng

singaw ng guni-guni sa muling pagkibo ng

katawang minsan’y nangamba.

Labels:

ALON

Natinag ako sa mapagpalayaw mong yakap.

Ngunit nauhaw lamang sa pabuya mong alat;

mainit ang panaghóy na pumipitik

sa bawat taludtod ng kalamnan, kinalawang

lamang ang bawat metro ng aking buto.

Kulang ang patubig mo para maging saplot, nahirinan

lamang sa pagtangka mong pag-ulayaw.

Sino ka para angkinin ang dagat?

Iyo na rin ba ang kapatagan?

(mababa ka kumpara sa kalawakan ngunit

dayuhan sa iyo ang pagtingala).

Nais mo lamang na ikaw ang pinagmamasdan.

Kalokohan. Isang siwang ka lang naman

para Makita ang hiyas ng karagatan.


Sa pag-aakala mong saliw ang alimuom

ng paglilimas magdadaop ang alimpuyo’t

isasakdal ka sa isang paglalantad.

Ang hangin na kasangkot mo sa paglikha

Ng obra ng pagwasak. Balakid ang kamangmangan

Nang mapusok mong tilamsík. Nabagot lamang

sa bawat kiliti sa aking paghimbing.

Nalinlang ka lang kung sa pag-aakala mong iyon

ay pagdurusa. Hindi ka pa sapat.


Inakala mong maestro ka sa pag-ruwerda,

ang alimbukáy na nagtalop, hindi ba’t

namilog ito sa muli mong pagtangka.

Pag-aari mo ba pati ang paglikha? Pinatatawa mo ako.

Eskultor ka lamang ng luwad na lamad,

Taga-lika ng melodiya ng kapusukan.

Sa rurok ng pagtanggap, tutubusin mo

at ibabaon sa puntod na di-totoo.


Ako lamang ang totoo.

Taga-litis ako hindi taga-masid lamang.

Sa hindi mo pagtagumpay na matakpan

nang namamaga mong agos ang basag

na takipsilim. Pagmasdan mo ang walang

ingay kong pagluha sa di-paglingon sa bubog

na buhangin. Sa bawat patak nitong bumubulwak

ng burak, ito ay mamamalagi. Sa unti-unti

mong pagtiklop patuloy ang pagragasa ng

sarili nitong unos. Ikaw na mistulang batang nagtampisaw

at nahulog sa aroma ng sarili mong kawalan.

Pagtakas ang tugon sa muli mong pagkaway.

Ikaw na walang malay na inusig ko ang iyong galaw.

Sa pag-usisa ko naman sa mapanutyang ulan,

magbabaybay ka na lamang sa aking balintataw.


Oo hindi kita kayang hawakan, hindi kita kayang basagin.

Dahil kahit kailan hindi ka naman naging buo.


Labels:

Sa pagitan ng mga panaginip

Sa hapunan, bago sumigaw ang sinaing.

Huhusgahan ang paghuhugas kamay.

Wala akong balak suyuin ang iyong sikmura.

Ang patunay lang ng hindi pagkaraniwan;

na lahat possible, lahat makikinabang.

Mamaya ipaghehele ako ng usok ng iyong sigarilyo.


Aalingawngaw sa apat ng sulok ng silid

ang kapagalán. Sa pagyakap mo, tutusok

ang lamig ng pader na aking yayapusin

(hanggang sa pag-idlip sa lalamunan ng kahulihan)

Babalikwas ang kamalayan sa pagtingala

sa totoong nakikita. Doon sa kisame na mapanlinlang

hindi ilaw ang sisilaw kundi ngisi ng buwan

na nangungutya. Pinagtatawanan ka nito, alam mo ba?

Madalas mo kasing gisingin ang gabi sa iyong

pananaghóy.


Nakakaumay ang paghihintay mo

sa pagtatalop ng pagmamahal. Alamin mo

kung ilang beses ka nang nilatay ni Lakandiwa.

Di-iiral ang pagkadi-matatalo, hitsura mo

pa rin ang talunan at walang laban. Sa nakasanayan

mong pagsusumamo nalimutan mo ang dikta

ng riyalidad—na pahihintulutan lamang kita.

Pilitin ko mang ilantad ang sarili

sa harap ng iyong pagnanais, maging lawa man

ang inakala mong sapat sa pagkauhaw. Sigurado ka?

ni hindi nga ako takot sa paratang ng luha.

Sa paggambala mo sa aking gunita (wala ka rin mahihita).


Walang dapat tanawin kundi takipsilim. Nilinlang ka

lamang ng malambing na paligid ang totoo’y mga

bituing itong nag-aatubiling gumising. Dahil hindi tulad ng bituin

para hintayin mahulog at tatagos lamang sa bawat pagtingin.

Aanhin ko ang paglalarawan kung nais ko ang may mahawakan.

Mapalad ka’t napulsuhan kong magpaalam, sa paraan kong inilahad

wala kang pakialam, dahil aalis ang mas nagmamahal.

Kung sa inakala mong marahas ako, hindi ka nagkamali.

Dahil hindi ang pagdating mo ang hinintay ko, hindi ang katiyakan

ang ninais ko, tanging ang tensiyon lamang ang nagpahayag sa gabi

Ngunit sinong sisisihin sa di-nakikitang kalaban?

Sayang handa sana akong maniwala.


Labels:

La Rosa Negra

Tumatakbo ang oras ngunit mananatili ito
sa segundo ng pagkakataon
(namuong pawis, libag na pumapalag
asan ang dahilan ng mga binalak mo?)
Mabilis ang bawat galaw, nakikipaglaro sa watak-watak
na mga ilaw ang nakakahilong usok na bumubuga sa bawat sulok.
Ang pabago-bagong pintig ng pulso
ikinukubli ko sa bawat pagyukod, matiim na nakatuon
sa makintab mong sapatos, ikaw na muna ang umindak
ako muna ang maniniwala.

Hindi kita mahal. Ikaw naman ang maniwala.
(paano ko sasabihin ito ng walang ngisi sa iyong mukha?)
Sa kahubdan ng mga halik, nasusuya ako sa laway at anyo
nitong nagsusumiksik sa sining ng sintahin.
Oo mabubuo nito ang mga hugis na aking naisin:
tagak,asawa,bakanglalaki,wasak na puso,gabi.
Ngunit aanhin ko ang mga ito?
Iuuwi, papangalanan, mangungusap, pagmamasdan, aariin.
Ah, hindi. Paano kung saktan nila ako? Paano kung sa akin
paghimbing itanim nila sa aking dibdib ang mahinang puso. Hindi
maaari, maiiwanan ko sila bago pa mangyari iyon—
dahil hindi ako maramot madali lang akong makalimot.

Kanina
hinayaan kitang sumilip sa mga siwang
ngunit pilit mong binagtas ang eskinita
patungo sa puwang ng patriarkiya.
Magsasayaw tayo: iindak sa ritmo ng musika; kalabisan
isasagad hanggang buntong-hininga; mabilis ka
(nahuhuli ka lang) sinasakop (hindi) nagpapasakop;
tapos na ang palabas (salamat)—walang anuman.
Mahusay ang mga daliri mo sa pag-eskultura sa luwad kong dibdib
marahan ang sakit na dulot nito, sa pagbabagong hulma
hindi ako magdaramdam kahit gawin mo itong tatsulok,
bilog o parisukat o kahit lagyan mo pa ito ng pakpak,
kahit hindi na ito bumalik sa buto’t balat kong katawan.
Wala akong sasabihin.
Basta walang bahid ang suot kong damit;
pula at bulaklakin bestida—mangingibig ‘ika nga.

Hindi kita mahal maniwala ka.
Sinasabi ko ito ng walang pagsaway at pagmamayabang.
Sabi ko sa iyo hindi dito ang ating tagpuan. (Pansinin
mo ang paligid hindi ako nabubuhay tulad nila.)
Hindi ako handa sa dala mong trahedya, walang tunog
akong naririnig dito, hindi ako ang tudla ng pagkasi nito.
Mahabang panahon na ang segundo sa makitid mong utak.
Huwag mong ka-inggitan ang kasiguraduhan ko,
dahil pareho lang tayo kumakapa sa makapal na ilaw ng La Rosa Negra
nasisilaw, nabibighani sa kanyang karikitan.
Pagkatapos ng musika, hihintayin ko ang indayog mo
sa kabilang banda at habang nabubulok ang gabi
kakamustahin ko naman ang sarili sa isang tabi
kung kaya ko bang tangkilikin ang muntik ko ng
maamin.

Labels:

Ang Payaso

Babala sa musmos: Huwag maramot sa lobo baka liparin ka nito!

Mula pagkabata ko’y kumakaway na ang mga kulay

sa kakarampot na kita. Kitang-kita ang mga dakilang

taga-hita nagtatalsikan ang hagikhik sa dibdib ng langit.

Mapupunan na naman ng mangmang ang kakulanganan

sa kanilang tahanan.



Tatakbo na ang makinis na ritmo:

Si Itay ang simbolismo ako naman ang sisirko.

(pantayan) para mayroon lamang kahinatnan

(patunayan) pansamantala lamang ang kahibangan.

Hindi kami mandudula

para bigyang direksiyon ang paligid, hindi

rin namin nais saluhin ang panganib ng pag-i-eksperimento

dahil hindi kami ang tagapag-salba ng sining.

Pero kaya namin kayong mahalin

(ilan lamang yan sa mga palabas namin).



Takot si Inay mapagod

huwag daw tanggalin ang ngiting nakaukit.

Baka sa akin daw pagpikit nakawin ang pusong iniipit,

sabay pitik sa aking singit.

Sa paglipas ng panahon kumupas na ang paraiso ng

pagkukunwari: Si Inay na naniniwala’t nagmamasid

nagmamaktol ngayon sa amoy ng lupang nakikipagtalik.

Ang itay na nagapi sa labanan ng konkretong hari

marahil binabaybay na niya ang dagat patungo sa bahaghari.

Sa pagpasa sa akin ng doble-karang damdamin

ang huling habilin—malikhain kong pagyayamanin.

Ngunit ano itong galit na makulit, nagbabadyang mapunit?

Isang sutil na paslit pinipilit na ako ay tukuyin: isang hampas sa

mukha parusa sa hindi niya pagtawa. Sa hardin ng madla

ang saktan ako ang naging tema (patawad Ina hindi ko na kaya).



Wala ng kunehong lalabas sa kahon ng mahika

o anumang kulay na hahapyaw sa di-tiyak na lohika.

Hubad na ang katawang kong manipis ang butong

pumipintig sapilitan na sa pag-idlip.

Pinangako mo Itay sa aking paghiyaw kayo ay gagabay!

Kinamumuhian ko ang ngiti mo sa bukang-liwayway!

Anong kasalanan ko sa di-pagpapakitang anyo Inay?

Sa pagtatago sa matingkad na kulay nais ko lang malurá

ang hapdi na kumakampay!”

Labels:

LUNOS

paulit-ulit man mapagod sa di-katiyakan

sa bahagyang paghihiwalay sa naglalaway na hiyaw.

Sa bawat pag-giling ng hiningang nagkakabuhol-buhol

sa himulmol ng lamparang kumikinang. Kitang-kita

kita kung paano mas makinang ka pa sa gabi,

magtahi-tahi man ang mga hibla nang pag-aatubili

sa paglawig ng lagablab na muling makaramdam

duon sa inangkin nating minuto, segundo ng buntong-

hininga ang sasambit ng parirala sa maligalig na

mga titig. Ang basag na kahinaan sa muling paghiyaw

ng samu't - saring panaginip magpanggap man hindi malilinlang

gagamitin pa rin ang nalason na damdamin bago

ang naghihingalong pag-iisip dahil sa likod ng

mga pikit mong talukap bulag ka na sa sayaw

ng karikitan.

Labels: